Tiwala

Parang kailan lamang ang simula ng ikalawang semestre ng unang taon ko sa unibersidad na ito. Ngayon dalawang linggo na lamang patapos na ang unang taon ko bilang iskolar ng bayan. Hindi ko maiikaila na ang unang taon ko ay isang malaking pagsubok. Pero, hindi ko inakalang may ibibigay ang Inay na isang taong mamahalin ko at handa kong tanggapin ang mga pagkukulang niya’t mga pagkakamali. Isang nilalang na nanaisin kong pagkatiwalaan ng lubusan.

Unang linggo ko sa pamantasan at naugnay na ako sa iba’t ibang samahan. Ngunit kahit na parte ako ng iba ibang pangkat inaamin kong hindi ko lubos na pinagkakatiwalaan ang mga kasama ko. Mali ang inaakala mo. Hindi dahil sa kaduda-duda sila o dahil kakakilala ko lang sa kanila o dahil iba ang antas nila ng pamumuhay. Kahit kailan hindi ko binase sa katayuan ng tao sa buhay ang pagtitiwala ko sa kanya. Mali muli, hindi dahil sa nasira na nila ang pagkakataong pagkatiwalaan ko sila. Malungkot man aminin, ito ay dahil takot na ako. Oo, ako ang may problema at hindi sila. Alam ko lahat tayo may katakot-takot na nakalipas, may kinatatakutang nangyayari ngayon at takot sa mga bagay na hindi natin tiyak ang kahahantungan.

Masalimuot na nakaraan. Nakaraang ninanais kong kalimutan at tangayin ng hangin papalayo sa akin. Nakaraang kung maaari ko lang ipaalon sa agos ng buhay at ipalamon sa kasiyahan ng iba’t ibang tao upang maibsan ang bagabag na dala nito sa akin. Wag mong isiping kahit kailan hindi ko sinubukan. At kung sinubukan ko man bakit hindi ako makawala sa kadena ng lumipas?

Malamang sa malamang hindi lamang isang pagpiglas ang aking ginawa. Paulit-ulit na pagmamaakawa pa kay Inay na alisin niya ang agam-agam sa aking puso at awitan niya ng isang mahabaging awit ang munting isipan na puno ng mga tanong.